Tuesday, February 14, 2017
Ang Baguio Pt. Ng Buhay Ko
Una kang tinuro noong ako’y nasa karagatan
Ang layo mo’y tila diko daratnan
Kay taas at tulis ng bundok sayong harapan
Akala ko’y hanggang sulyap na lang
Ang bangka ni Mang Apo ay nais kong pasalamatan
Dahil sa wakas narating din ang iyong pantalan.
Unang tinungo ang bahay ni kapitan
Ngunit ang sabi’y darating pa siya kinabukasan
Kaya’t tinungo na lang ang paaralan
At nadatnan ang mga guro na naghahapunan
Kinausap sila ng masinsinan
Upang ipaabot ang ninanais na kabutihan para sa mga mamamayan.
Napag usapan ang mga maaring paraan
Upang maipatayo ang Tahanan
Na magsisilbing bahay ng lahat ng nangangailangan
Pamilya nila Uncle Danny ay nakausap ng masinsinan
Dahil sa kanila ang lupang nais pagpatayuan
Salamat sa Diyos hindi nila pinagkaitan.
Gabi na ng nakauwi sa tinitirhan
At mga gutom na gutom na ang aming mga tyan
Ngunit buti na lang naghihintay na na ang masarap na hapunan
Pagkatapos busugin ang mga tyan
Ang mga susunod na hakbang ay pinagplanuhan
At agad-agad namang napagkasunduan.
Binalikan ang nayon kinaumagahan
Tama ang nasabi dahil nandoon na si Kapitan
Ngunit tila’y maraming dahilan
Para kami’y mapagkaitan
Pero pinagpatuloy pa rin ang laban
Hanggang sa ito’y nasimulan.
Sa aming grupo isa ako sa mga naiwan
Doon ako namalagi ng mahigit isang buwan
Sa bahay ng mga guro ako nanahan
May aso Barak ang pangalan
Lagi akong sinasamahan at binabantayan
Sa aking paglalakbay pabalik sa kabilang nayon hindi nang iiwan
Napakarami kong karanasan
na hindi ko kailanman malilimutan
Magsimula sa pagtuturo sa paaralan
Kung paano magdasal pati na rin ang pagbibilang
Sa pakikipag awitan at kulitan
At pakikipaglaro sa mga kabataan.
Akin ding binista ang iba’t ibang tahanan
Sa kanila ako’y nakipagkaibigan
Maraming kwento ang aming pinagtawanan
Kahirapan ng kanilang buhay akin ding napakinggan
Pagkain sa kanilang nayon aming pinagsaluhan
Pinakapaborito ko ang sulawan.
Nagsimula na nga ang pagpapatayo ng Tahanan
Dumating na ang mga karpinterong mula pa sa ibang bayan
Ang mga tao’y nakipagtulungan
Talagang kanilang pinaghirapan
Ang pinapatayong magsisilbing paraan
Para sila’y magkaisa at magmahalan.
Mabilis na natapos ang tahanan
Hindi akalin ng Ama noong ito’y kanyang nadatnan
Kay ganda pala ng kinalabasan
Pasasalamat sa Diyos sa kanyang kapangyarihan
Pasasalamat kay Inang Maria dahil hindi pinabayaan
Maghari sa nayon ang kabutihan.
Subscribe to:
Posts (Atom)
